MARVICRM.COM

Home / Alamat Ng Bayabas (Buod)

Alamat Ng Bayabas (Buod)

enter image description here


Source: Google Images

Noong unang panahon, may isang sultan na nagngangalang Barabas. Si Sultan Barabas ay walang kasing lupit at hindi kumikilala sa katarungan.

Ang lahat ng kanyang nasasakupan ay takot sa kanya. Ang kanyang salita ay batas. Walang ginagalang mapa bata man o matanda.

Mabibigat ang mga pinapataw na parusa ng sultan sa sinumang gumawa ng kahit na maliit na kasalanan.

Madalas ay suot suot ng sultan ang korona na ipinagawa pa mismo sa malayong bayan. Ang koronang iyon ay nagpapakita ng kanyang katayuan at pagiging mataas sa lahat.

Saganang sagana ang sultan sa anumang bagay ngunit ito ay sadyang may kadamutan.

Isang araw, may isang mangingisda ang ipinahuli at pinarusahang makulong ng sultan. Sa kadahilanang ito ay ginabi ng pangingisda.

Walang ka gatol gatol na ipinakulong ng sultan ang pobreng mangisngisda.

Nakarating sa asawa ng mangingisda ang balitang nangyari sa asawa kaya't itoy agad na nagtungo sa palasyo. Kinatok nito ang pinto ng natutulog na sultan.

Galit na bumangon ang sultan at lalo pa nang malaman nito kung sino ang umabala sa kanya.

Sa halip na maawa sa babae ay agad din nyang ipinakulong ang babae kasama ng asawa nito. Masaya na rin ang mag asawa dahil sila ay magkasama na ngunit parehong nalungkot sapagkat walang mag aasikaso sa anak na binatilyo.

Naiwan itong mag isa sa bahay.

Ang hindi nila alam ay inaalagaan pala ng mga engkantada sa gubat ang binatilyo.

Isang araw ay nagpunta ang binatilyo sa palasyo upang kausapin si Sultan Barabas.

Sinabi ng binatilyo na dapat syang bigyan ng pagkain ng Sultan sapagkat ikinulong nito ang mga magulang na syang nag bibigay ng pagkain sa kanya.

Ngunit tinawanan lang ito ng Sultan.

Sa galit ng binatilyo ay bigla nitong inagaw ang suot na korona ng sultan at agad na nagtatakbo sa hardin.

Dahil mas mabilis tumakbo ay napagod kahahabol ang sultan at humihingal itong natumba habang dakot dakot ang nagsisikip na dibdib.

Sa ilang saglit lamang ay binawian ng buhay ang sultan. Doon din mismo sa hardin ito inilibing.

Makalipas ang ilang araw ay nagkaroon ng bagong sultan at higit itong mas mabuti kesa kay Sultan Barabas. Binuksan ng bagong sultan ang hardin para sa lahat ng gustong pumunta.

Isang bagong halaman ang tumubo kung saan inilibing si Sultan Barabas at agad naman itong napansin ng mga naroroon.

Hinayaan na lamang nila ito hanggang sa lumaki at mamunga.

Nang tikman nila ang bubot na bunga ay napangiwi sila sapagkat ang lasa nito ay mapait.

"Ang pait! simpait ng ugali ni Sultan Barabas!" saad ng nakatikim ng bunga

Nang lumaki na ang ilang bunga ay muli nila itong tinikman

"Ang asim! parang mukha ni Sultan Barabas!" saad ng isa

"Kung gayon si Barabas ang punong iyan" saad ng nakararami

Hindi nagtagal ay nahinog ang ilang bunga at natuklasan nilang matamis ito pag nahinog.

Mula noon ay tinawag na nilang "Bayabas" ang bunga noon.