Home / Hudhud Ni Aliguyon (Buod)
Source: Google Images
Noong unang panahon, may isang sanggol na isinilang sa nayon ng Hannanga. Ito ay si Aliguyon. Ang batang si Aliguyon ay anak nina Amtalao at Dumulao.
Kahanga hanga ang taglay na talino ni Aliguyon. Siya ay maraming kaalamang natutunan mula sa ama. Napag-aralan nya ang kasaysayan, pakikipagdigma at kung paano umawit ng mahiwagang gayuma o magic spells. Kaya't bata pa lamang ay itinuring nang pinuno ng kanilang nayon si Aliguyon.
Nang magbinata si Aliguyon ay nag pasya itong pumunta sa nayon ng Daligdigan upang sagupain ang mortal na kaaway ng kanyang ama na si Panga-iwan. Ngunit hindi ito ang nakaharap nya kundi ang binata ding anak nito na si Pumbakhayon. Si Pumbakhayon ay katulad din ni Aliguyon na eksperto sa iba't ibang bagay. Bihasa rin ito sa pakikidigma.
Nang ibato ni Aliguyon ang kanyang sibat ay agad na nasalag ito ni Pumbakhayon. Kasing bilis ng kidlat kung ito ay gumalaw at umiwas. Nagtangkang ibalik ni Pumbakhayon ang sibat at ipinukol kay Aliguyon ngunit kung paano naibalik ni Pumbakhayon ang sibat ay ganun din ang ginawa ni Aliguyon.
Nagpalitan ng sibat ang dalawang makisig na binata at umabot ng tatlong taon na walang tigil ang kanilang laban.
Kapwa humahangos ay tumigil ang dalawa sa pakikipagbakbakan. Kapwa humanga sa taglay na giting at husay ng kalaban. Pagkaraan ng tatlong taong laban ay nagpasyang tumigil at magkasundo ang dalawa.
Nagdiwang ang dalawang nayon na pinamumunuan ni Aliguyon at Pumbakhayon. Naging matalik silang magkaibigan.
At bukod doon, di nagtagal ay naging asawa ni Aliguyon ang nakababatang kapatid na babae ni Pumbakhayon na si Bugan.
Ganun naman si Pumbakhayon, ang kapatid na babae ni Aliguyon na si Aginaya ang kanyang napangasawa. Naging mayaman ang dalawang pamilya at iginalang sa lahat ng Ifugao.
Subukan mo ding basahin ang ibang mga Alamat: